9 patay sa salpukan ng van, truck sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 04:54 PM | Updated as of May 17 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Siyam ang patay nang magbanggaan ang isang pampasaherong van at isang 6-wheeler truck sa Babatngon, Leyte nitong Biyernes ng umaga.

Papunta sana sa Tacloban ang mga magkakamag-anak na biktima na sakay ng van para mamili ng panghanda para sa fiesta sa kanilang barangay sa Sabado. 

Papunta namang Babatngon ang kasalubong na truck na may dalang mga baboy.

Walo ang patay on-the-spot habang sa ospital na binawian ng buhay ang isa pa. 

Lahat ng patay na biktima ay mga pasahero ng van. 

Ayon sa isang residente, nag-aabang siya ng masasakyan nang muntik na siyang mahagip ng nagbanggaang mga sasakyan.

Kuwento pa niya, parehong mabilis ang takbo ng dalawa pero napansin umano niyang medyo nakatagilid ang truck habang tumatakbo.

Ayon sa hepe ng Babatngon police, posibleng hindi napansin ng dalawang driver na may kasalubong sila. 

"Hindi siguro nila nakita ang approaching na sasakyan, siguro may umagaw ng linya, kaya nagkaroon ng disgrasya," sabi ni Police Lt. Melvin Ay-ay ng Babatngon Police.

Sabi ng mga pamilya ng mga biktima, handa silang maghain ng kaso laban sa mga driver at may-ari ng van at truck.

—Ulat ni Sharon Evite, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.