3 lalaki na dawit sa pandurukot ng mga motor huli sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 05:20 PM | Updated as of May 17 2019 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang tatlong lalaki, kabilang ang mag-ama na itinuturong mga notoryus na carnapper na tumatangay ng mga motor sa Pasay City. 

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Mark Andy Mallari. Arestado rin ang isa pang lalaki at ang kanyang 17 anyos na anak. 

Base sa kuha ng CCTV noong Miyerkoles ng madaling araw, lumapit si Mallari at kanyang kasama sa motor, habang nagsilbing lookout ang 17 anyos. 

Makalipas ang ilang minuto, kinalikot nina Mallari ang motor at agad nila itong pinaharurot. 

Nakuhanan din umano ng CCTV sa hiwalay na insidente noong Martes ang dalawa sa mga suspek na minamanmanan ang isa pang nakaparadang motor. Ngunit dahil matirik ang araw at maraming dumaraan ay hindi na nila ito natangay. 

Ayon kay National Capital Police Office (NCRPO) chief Guillermo Eleazar, galing sa athletic meet ang natangayan ng motor noong Miyerkoles nang malamang ninakaw na ang kaniyang sasakyan. 

Narekober ang motorsiklo sa follow-up operation sa Antipolo, habang nakuha ang apat pang umano'y nakaw na motorsiklo sa bahay ng mga suspek sa Pasay.

Kinasuhan na ng carnapping sina Mallari habang naka-turn-over sa Department of Social Welfare and Development ang 17 anyos. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.