20,000 out-of-school youths target mapag-aral, mapagtrabaho ng NGO

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 08:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawampung libong out-of-school youths (OSY) ang target mabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho at makapag-aral nang sabay ng isang non-government organization sa loob ng limang taon.

Sa programang "YouthWorks PH" ng Philippine Business for Education (PBED) mabibigyan ng work-based training ang mga out-of-school youth na ituturing na mga trainee.

Isasalang ang mga matatangagap na OSY sa 40 porsiyentong classroom at 60 porsiyentong on-the-job training.

Ayon kay PBED Executive Director Love Basillote, gusto nilang tiyakin na magkaroon ng trabaho ang mga benepisyaryo ng programa kahit matapos ang training.

Layon din daw nilang tugunan ang problema sa jobs and skills mismatch na nararanasan ng mga OSY.

"Gusto kasi namin silang tulungan na makahanap ng trabaho or makahanap ng training na talagang magga-guarantee na may trabaho sila after," ani Basillote.

Ilalagay ang mga trainee sa mga partner companies na pasok sa mga industriyang energy, agrikultura, hospitality and tourism, banking and finance, manufacturing and construction.

Bibigyan din ng sahod na 75 porsiyento ng minimum wage ang mga trainee at manggagaling ang pondo ng programa sa United States Agency for International Development (USAID).

Kabilang sa mga unang nag-apply ang 19 anyos na si Anthony Roxas. Bagama't Grade 9 lang ang kaniyang natapos dahil sa problema sa pera, hangad niyang makahanap ng maayos na trabaho.

"Natatanggap po kaso hanggang doon lang po sa construction. Nag-apply po ako sa iba pero kailangan po ng diploma para makapasok," ani Roxas.

Ani Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Tutay, mahalaga ang naturang training para matugunan ang jobs at skills mismatch ng bansa.

Para sa mga detalye kung paano mag-aplay, maaaring magtanong sa mga Public Employment Service Office (PESO) o tumingin sa Facebook ng YouthWorks PH.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.