Pulis, mga guwardiya nagbarilan sa Negros Occidental; 10 sugatan

Romeo Subaldo, ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 07:15 PM

CAUAYAN, Negros Occidental - Sampu ang sugatan nang maghain ng search warrant ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 6 at Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO) sa Hacienda Isabel II sa Barangay Masaling dito Huwebes ng madaling araw. 

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga armadong grupo sa loob ng hacienda. 

Ayon kay NOCPPO Director Senior Supt. Rodolfo Castil Jr., may mga nakapagsabi sa kanila na may nga armado sa hacienda. 

“Sa nakarating sa impormasyon galing sa mga tao sa paligid, may mga armadong tao dito at ang iba raw mga miyembro pa ng NPA (New People's Army)," aniya.

Dagdag pa ni Castil, pagdating nila sa hacienda, agad silang pinaputukan ng mga nasa loob kaya't napilitan silang magpaputok din ng baril. 

Pero sa bersiyon naman ng mga pamilya ng mga nasugatan, pagdating pa lang umano ng mga pulis ay agad na silang pinaputukan ng mga ito. Nagtagal ang putukan ng higit isang oras. 

Kabilang sa mga nasugatan ay ang 4 na mga pulis, 4 na mga nakabarilan ng mga pulis, at dalawang mga sibilyan na tinamaan ng bala. 

Inaresto naman ang anim na lalaki na nasa loob ng hacienda. May nakuha rin silang mga shotgun, .38 caliber revolver, mga bala at granada mula sa loob ng hacienda. 

Paliwanag ng administrador ng hacienda na si Ramon Hilado, mga guwardiya lang ng hacienda ang naka-engkuwentro ng mga pulis at hindi armadong grupo. 

“Walang armado dito, mga security guards lang namin sila. Lalo nang walang NPA dito,” ani Hilado.

Dagdag pa niya, may pending na kaso sa korte silang magkakapatid sa hatian ng lupa. Posible umanong maling impormasyon ang ibinigay sa pulisya kaya nangyari ang raid. 

Hindi na umano sana umabot pa sa barilan ang insidente kung nag-imbestiga muna ang CIDG bago isinagawa ang raid. 

Magsasampa ng mga kasong illegal possession of firearms and ammunition at attempted murder laban sa mga suspek, habang nagpaplano rin si Hilado na magsampa ng kaso laban sa mga pulis. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.