3 Filipino diplomats makakauwi na mula sa Kuwait

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 06:55 PM

MAYNILA - Makakauwi na mula sa Kuwait ang tatlong Filipino diplomats na kasama sa kontrobersiyal na rescue mission ng Embahada ng Pilipinas sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakaranas umano ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang mga amo doon.

Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakatakda nang umuwi ngayong gabi ang mga diplomat na hindi na pinangalanan. 

Pinayagang makauwi sa Pilipinas ang tatlong diplomat matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang total lifting ng deployment ban sa mga manggagawang Pinoy sa Gulf state.

Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroong warrant of arrest laban sa mga nasabing diplomat kasunod ng pag-rescue sa ilang OFW sa bansa.

Hindi pormal na naaresto ang mga diplomat na piniling manatili sa loob ng embahada ng Pilipinas kasunod ng pagpapalabas ng kautusan laban sa kanila.

Ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait. Mula sa website ng Philippine Embassy in Kuwait

Una nang napakawalan noong nakaraang linggo ang apat na driver na Pinoy na inaresto dahil sa rescue mission, pero hindi na sila uuwi dahil pinili nilang ituloy ang trabaho sa Kuwait.

Ang pagpapakawala naman sa apat na driver ay nangyari dalawang araw bago pa napirmahan ang labor agreement ng Kuwait at Pilipinas. 

Nilagdaan ang kasunduan sa mungkahi ng Pilipinas matapos ang mga ulat ng pang-aabuso at pagpatay sa mga OFW sa Kuwait.

Nakatakda namang dumating ngayong Huwebes si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Arnell Ignacio mula sa Kuwait kasama ang iba pang mga OFW na umuwi sa ilalim ng patuloy na repatriation program ng gobyerno.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.