'Secret jail' inmates, hindi magsasampa ng reklamo laban sa mga pulis

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 10:22 PM

Hindi magsasampa ng reklamo ang mga natitirang inmates ng "secret jail" laban sa mga pulis ng Manila Police District Station 1.

Sa isang pahayag noong Miyerkules, sinabi ng mga natitirang inmates na hindi sila magsasampa ng reklamo laban sa MPD at mas maluwag ang kanilang selda sa MPD headquarters.

Mula 12 ay 4 na lang ang natitirang dating preso ng "secret jail." Tatlo sa kanila ay lalaki at may isang babae. Ang 8 ay nakapag-piyansa na.

Sila ay kabilang sa tinaguriang "Raxabago 12", ang inmates na nadiskubreng nakakulong sa sinasabing secret jail sa MPD Station 1 ilang linggo lang ang nakalipas.

Nangangamba ang CHR dahil nalaman nila na may ilang pulis umano ang kumakausap sa mga inmates.

"Ang nababalitaan namin meron mga pulis na pumupunta pa sa kanila at sinasabing huwag na silang magsampa ng kaso, hindi na daw nila papansin yung kaso hindi nila aasikasuhin para makawala daw yung mga tao na naging biktima ng secret detention cell na ito,” ani Commissioner Karen Gomez-Dumpit ng CHR.

Itinanggi ito ng mga preso.

“Hindi naman po kasi nakakausap ko naman magulang ko di naman, wala naman silang sinasabi na ganun, kasalanan din namn namin kung bakit kami nahuli,” ani ‘Jun,’ isa sa Raxabago 12.

Giit naman ng MPD na wala silang natatanggap na mga report na ganito at posibleng may hindi pagkakaintindihan.

“Kanina po kinausap natin ang hepe ng district jail at sinabi po naman nya sa atin na may nga pulis na may kamag anak na dinadalaw sa secret jail. At kung meron naman pong mga pulis na kakausapin ang mga complainants, eh mas maganda na ireport po sa amin,” ani Supt. Erwin Margarejo ng MPD.

Pero giniit ng CHR na hindi sila pwedeng magkamali.

“We have a verified report already from our investigators. Nagkaroon kami ng follow-up investigation and continuously nagmo-monitor kami ng kondisyon ng mga tao. At positive nakakuha kami ng information na at least one of them was approached by police officers na 'wag na kayong mag execute ng affidavit sa commission at hindi na rin namin pupursigihin ang kaso,” ani Gomez-Dumpit.

Dagdag ng CHR, mahihirapan talagang magsumbong ang mga inmate at kanilang pamilya ng pang-aabuso ng mga pulis lalo’t may mga kaso pa silang kinakaharap.

“Syempre natural sa tao na iisipin nila ang kalagayan nila, kalagayan ng kanilang pamilya. ‘Pag ang isang tao ay nasa kustodiya ng isang opisyal, hindi iyon magsasabi ng impormasyon na ikakapamahamak nya,” ani Gomez-Dumpit.

Nadiskbure ng Commission on Human Rights (CHR) ang umano’y secret detention cell matapos may magreklamong isa sa mga naaresto na hinihingan umano sila ng pera ng ilang pulis para hindi kasuhan at mapakawalan.

Kinumpirma rin ito ng ilang kaanak ng mga inmates.

Pero itinanggi naman ito ng pamunuan ng Philippine National Police at sinasabing ginamit ang kulungan para hindi makadagdag sa pagsikip ng kanilang mga detention cell.

Sa ngayon ay nasa Ombudsman na ang report ng CHR.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.