SAPUL SA VIDEO: Pagragasa ng baha sa Polomolok, South Cotabato

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 12:47 AM

Nakuhanan sa video ang pagragasa ng baha na bumuwal sa mga bahay sa Purok 1-A, Brgy. Landan, Polomolok, South Cotabato. MDRRMO-Polomolok video

POLOMOLOK- Isang barangay gym muna ang pansamantalang tahanan ng 14 na katutubong pamilya matapos silang ilikas dahil sa pagragasa ng baha sa Purok 1-A, Brgy. Landan, Polomolok, South Cotabato.

Tatlumpung pamilya ang apektado pero 14 lang ang lumikas. Dalawa sa kabahayan na nakatirik lang malapit sa Landan River ang inanod ng baha.

Sa kuhang video ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Polomolok, makikita na lubog sa baha ang ilang kabahayan.

Malakas rin ang agos ng tubig sa ilog kaya ang mga bahay na gawa sa kawayan at yero ay nasira at nabuwal.

Makikita rin ang mga residente at MDRRMO na isinasalba ang bahay na aanurin na ng tubig.

"Pagdating ko, nakita kong sira na ang bahay ko. Ang ilang parte, inanod na ng ilog," ani Carlito Yama, Jr.

Agad namang nagbigay ng paunang tulong ang MDRRMO sa apektadong pamilya.

"Sa ngayon, nakapag-initial kami nakapagbigay ng food packs at saka mga banig at habol," ani Nonoy Atimunan, action officer ng MDRRMO.

Ayon kay Jerry Ante, ang kapitan ng barangay, may mga pananim at hayop na nasira at natangay kaya nagdeklara na sila ng state of calamity sa barangay.

Paliwanag ni kapitan, ang Landan River ay nagsisilbing catch basin ng dalawang ilog.

"Ang Landan River kasi ay catch basin ng lahat ng river: Laolao River at Kalkam River and of course ito yong river na ito ay source ang watershed ng Matutum kaya pag ulan, normally tataas ang tubig," ani Ante.

Sa ngayon, humihingi ng ayuda mula sa ilang non-governmental organization at local government unit (LGU) ang mga apaektadong pamilya.

Hinahanapan na rin ng paraan ng LGU ng resettlement site ang mga residente pero ang problema ay kulang ang pondo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.