Pulis na umano’y drug pusher, timbog

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 04:41 AM

Hindi inakala ni PO1 Fermin Manimbo na siya ngayon ang mauuwi sa likod ng mga rehas at ituturing na suspek. At isa sa mga bisita niya ay mismong si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa.

Nahuli ng mga operatiba ng Rizal Drug Enforcement Unit sa Teresa, Rizal si Manimbo na naghahatid umano ng 20 sachet ng hihininalang shabu sa isang Jojo Daniel alyas "Tiyo."

Sinermonan ni Dela Rosa si manimbo at ang mga kasamahan niya sa Teresa Police Station dahil bakit hindi raw nila alam ang ginagawang ilegal ng katrabaho.

Ayon kay Dela Rosa, itinanggi ng nahuling pulis na may kinalaman sya sa ilegal na droga. Nataniman lang daw siya. Pero tingin ni Dela Rosa, alibi lang iyon ng suspek na pulis.

Dagdag pa ni Dela Rosa, napag-alaman nilang konektado si Manimbo sa dati nang nabuwag na Boratong Drug Syndicate. Ito'y sa kabila ng pagkakakulong sa Bilibid ng drug lord na si Amin Boratong na nago-operate noon ng shabu tiangge sa Pasig City.

Nasa listahan ng high value targets ng Rizal PNP si Manimbo, pero wala pang makapagpaliwanag kung bakit di pa siya hinuli dati at kung bakit nasa serbisyo pa rin siya nang mahuli.

Pinaiimbestigahan ngayon ni dela Rosa kung may dawit pang ibang pulis. Tila may pahaging pa ang hepe ng pulisya sa mga konektado sa ilegal na droga.

“Sa mga pulis na na-involve sa droga, lumaban na lang kayo,” sabi ni dela Rosa. “Makipagbarilan na lang kayo sa manghuli sa inyo para matapos na itong lahat.”


-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.