'Power covenant', nilagdaan ng Puerto Princesa at power providers

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 10:48 AM | Updated as of May 17 2017 11:34 AM

PUERTO PRINCESA CITY - Sapat na suplay ng kuryente at maayos na serbisyo ng power providers ang nilalaman ng power covenant na nilagdaan ng pamahalaang lungsod, Palawan Electric Cooperative, National Power Corporation, Delta P, PPGI at DMCI.

Ayon sa city government, nag-ugat ang power covenant sa sunod-sunod na blackout na naranasan ng Puerto Princesa sa mga nakalipas na linggo.

Nakasaad sa covenant ang mga responsibilidad na dapat gawin ng bawat isa. Kabilang ang Paleco at Napocor na dapat maibigay ng maayos ang power supply sa Puerto Princesa at dapat ay may maayos na plano para sa electrical lines.

Habang sa tatlong iba pang power providers, dapat na makapagbigay ng hindi bababa sa 18 megawatts ang Delta P, 18 megawatts mula sa DMCI at 10 megawatts sa PPGI.

Dapat ay mapanatili din o may reserbang makina ang mga ito oras na magkaproblema at dapat na makipag-ugnayan ng maayos sa Paleco.

Paniguro ng city government na hindi rito matatapos ang usapin. 

Handa rin daw silang i-monitor ang napagkasunduan at oras umano na hindi ito masunod ay muli nilang ipapatawag ang power family.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.