Pedicab driver, nakaladkad at tinakbuhan ng van

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 12:02 AM

Huli sa CCTV footage ang pagkaladkad ng isang van sa kay Anacleto Untalan, isang pedicab driver. Video courtesy of Batangas City police.

BATANGAS CITY—Huli sa CCTV footage ang pagkaladkad ng isang van sa isang pedicab driver sa kahabaan ng national road sa Batangas noong Linggo ng madaling araw.

Kritikal ang kalagayan ni Anacleto Untalan, 50, matapos kaladkarin ng isang van at takbuhan nito. 

May tama ang kanyang kanang mata at halos natuklap ang ilang parte ng kanyang dibdib dahil sa insidente.

“Bukod sa mga sugat niya, itong ganito niya nung nakita ko as in white sobrang gasgas. Tapos itong ganito niya, basag… tapos dito po, may malalim siyang sugat,” ani Maricar Milaya, kapamilya ng biktima.

Sa kuha ng CCTV, kita ang pagkaladkad ng isang puting van sa minamanehong pedicab ni Untalan sa kahabaan ng national road sa Barangay Kumintang Ilaya.

Tanging ang putol na bahaging ito ng umano’y plate number ng puting van ang pinanghahawakang lead ng mga kaanak ng biktima para matukoy ang suspek.

Ang putol na bahaging ito ng umano’y plate number ng puting van na kumaladkad sa biktima ang tanging pinanghahawakang lead ng pulisya at pamilya ng biktima. Photo courtesy of Batangas City police.

May mensahe naman sila sa taong nasa likod ng insidente.

“Makonsensya po siya kasi talagang di makatao ang ginawa niya. Siya naman po kung makikipag-usap po sa amin ng maayos eh kakausapin naman po. Kasi nahihirapan po talaga kami kasi hanggang ngayon hindi namin ma-trace kung nasaan siya, kung bakit niya ginawa iyon,” ani Milaya.

Panawagan naman ng mga awtoridad sa mga nakakita sa insidente na makipag-ugnayan sa pulisya para sa ikalulutas ng kaso.

Patuloy na nangangalap ang pulisya ng iba pang CCTV footage para matukoy ang suspek sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.