PANOORIN: Maiden flight ng eroplano sa Bagabag airport

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 06:25 PM

Matapos ang 16 na taon, balik operasyon na ang Bagabag airport sa Nueva Vizcaya. 

Bandang alas-10 ng umaga ng Miyerkoles nang tumunog ang sirena ng control tower ng Bagabag Airport.

Hudyat ito ng pagdating ng Dornier 328 airplane.

Paglapag sa runway, binugahan ng tubig ng mga bumbero ang eroplano. Ito ang water salute na tradisyun kapag unang beses mag-operate ang isang airline company.

Simula Hunyo, pormal nang magdadala dito ng mga pasahero mula Clark International Airport.

"Ang eroplano na ito ang nakita natin na best fit para dito," ayon kay Jerry Cabalce, general manager ng Wakay Air Services.

Sakay sa maiden flight ang 28 pasahero, kabilang ang mga kinatawan ng Department of Tourism, lokal na opisyal ng Nueva Vizcaya at travel and tours operators.

May mala-pista pa na pagsalubong sa kanila.

Ayon sa Department of Tourism, ang pagbabalik operasyon ng Bagabag Airport ay magbibigay daan sa paglakas ng turismo sa hilagang Luzon.

Pangunahing magbebenepisyo ang lalawigan ng Ifugao na kasalukuyang isinasa-ayos ang Banaue Rice Terraces.

Inaasam-asam din daw ni Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya ang pagbabalik operasyon ng paliparan.

Pero ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), marami pang dapat ayusin sa mga pasilidad ng Bagabag Airport. 2001 nang huli itong mag-operate.

Sa Hunyo 4 sisimulan ang flight mula Clark International Airport hanggang Bagabag Airport at pabalik.

Apat na araw naman ang interval ng mga susunod na flight.

Sa ngayon, ang pamasahe ay nagkakahalaga ng P4,980. 

Tiniyak naman ng Philippine National Police-Aviation Security Group ang seguridad ng paliparan.

Inaasahang sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, magtutuloy-tuloy na ang magiging operasyon ng paliparan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.