Manonood sa motocross event, nahagip ng motor

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 10:29 AM

Kaliwa't kanan ang mga piyesta tuwing buwan ng Mayo. Sa gitna ng handaan at kasiyahan, minsan ay hindi na namamalayan ang peligrong nakaamba sa kapaligiran.

Naranasan ng noo’y 15-anyos na si Mike Nacolanga ang di inaasahang disgrasya habang nanonood lang ng isang motocross event sa pista sa bayan ng Don Carlos, Bukidnon noong Hunyo 2016. Kasama umano ni Nacolanga ang kanyang pinsan at mga kabarkada sa panonood.

Sa amateur video na kuha ni Axel Mata, mapapansing dagsa ang taong nanonood ng palabas. Isa-isa nagpakitang-gilas ang mga motorsiklong kalahok sa exhibition.

Sa di inaasahang pagkakataon, nawalan ng kontrol ang isa sa mga rider ng motorsiklo at dumiretso sa barikada. Nasapul ng motorsiklo si Nacolanga.

“Hindi ko napansin na may motor na papunta sa akin kasi nakatalikod ako,” sabi ni Mike.

Sa video, makikita ang pagkabali ng kanyang kaliwang binti kung kaya’t hindi na ito makagalaw habang nakadapa sa lupa. Ilang beses pinagpapalo ni Mike ang lapag dahil sa matinding sakit.

“Sobrang takot ko at hindi ko na alam kung ano’ng gagawin ko noong nabangga ako ng motor,” banggit ni Mike. “Akala ko hindi na ako makalalakad nang maayos. Hindi ko na alam kung ano'ng gagawin ko. Akala ko nga habangbuhay na akong hindi makalalakad.”

Panoorin ang buong kuwento ni Mike Nacolanga sa Red Alert ngayong gabi pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.