Magka-live-in, dinukot at pinatay sa Navotas

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 12:38 PM

MAYNILA - Patay na nang matagpuan ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa Navotas ang isang lalaki at isang babae na may ilang oras din nilang hinanap.

Mismong ang mga anak ang kumilala sa dalawang biktimang sina Rogelio at Jenny Royo, live-in partners, na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at sa likod.

Ayon sa isa sa mga anak ng biktima, magkasamang dinukot ang dalawa sa kanilang bahay bandang alas-8:00 ng gabi Martes. Nasa 10 lalaking nakamaskara at naka-bonnet umano ang dumukot.

Dagdag pa niya, pinadapa muna silang magkakapatid ng mga salarin, habang tinutukan pa ng baril at binatukan ang isa sa kanila dahil sa pag-iyak nito.

Sinabi umano ng mga lalaking kumuha sa mag-live-in na dadalihin ang dalawa sa estasyon ng pulis pero kinutuban na ang mga anak kaya agad naghanap.

Unang nakita ng mga awtoridad ang bangkay ni Jenny sa walang katao-taong lugar sa ilalim ng tulay sa Barangay NBBN maghahatinggabi ng Miyerkoles.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng hindi pa malamang kalibre ng baril, ilang alahas, at di pa tinutukoy na halaga ng pera na nakasuksok sa bra nito.

Sunod na natagpuan ang bangkay ni Rogelio sa isang sementeryo sa Barangay San Jose matapos maalarma ang pamilya ukol sa ulat ng opisyal ng barangay doon.

Aminado ang isa sa mga anak na dati nang gumamit ng ilegal na droga ang kanilang madrastang si Jenny pero sumuko na umano ito sa pulisya. Si Rogelio naman, aniya, ay walang bisyo.

Inaalam pa ng mga pulis ang tunay na motibo sa krimen.

Samantala, hindi pa malaman ng pamilya ng dalawa kung paano makakapagpatuloy sa buhay ngayong nawalan na sila ng magulang.--mula sa ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.