Lalaki, pinatay nang hindi makabayad sa P100 utang

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 02:53 AM

Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin dahil hindi raw makabayad sa P100 utang.

Ayon sa salarin na si Ariel Zaragosa, nanghiram sa kaniya kahapon ng P100 ang biktimang si Rolando Tutaan Jr., 18-anyos.

Kinagabihan, siningil niya na si Tutaan sa utang.

Pero sa halip na magbayad, nagalit pa raw ang biktima.

Doon na raw nagdilim ang paningin ni Zaragosa kaya nasaksak niya si Tutaan.
 
Hindi naman matanggap ng ama ng biktima ang sinapit ng panganay na anak. Hindi rin siya naniniwala na utang lang ang pinag-ugatan ng pagpatay dahil hindi raw iyon ang unang beses na nag-away ang dalawa.

Nakakulong na sa Mandaluyong City Jail ang suspek na nahaharap sa kasong murder.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.