Lalaki, patay matapos bumangga ang van sa isang truck

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 04:46 PM

Ang nayuping van ni Joseph Azurin, 18, matapos mabangga ang kasalubong na truck. Photo courtesy of PNP-Bantay Ilocos Sur.

BANTAY, ILOCOS SUR - Patay ang isang lalaki matapos bumangga ang minamanehong van sa kasalubong na truck habang nasa National Highway nitong Martes.

Lumabas sa imbestigasyon na mabilis ang patakbo ni Joseph Azurin, 18, sa kanyang van at nag-overtake pa ito.

Ito ang dahilan kung bakit siya bumangga sa kasalubong na truck na minamaneho ni Lowel Pido.

"Mabilis talaga ang takbo niya, nag overtake pa, hindi niya nakita ang padating na malaking truck,” ani PCI Edgardo Medrano.

Paliwanag ng driver ng truck, iniwasan pa niya ang van.

“Pa-west direction kami sa National Highway biglang nag overtake ang van kaya iniwasan ko pero sinundan parin kaya bumangga,” ani Pido.

Nahirapan ang mga rescuers sa pagtanggal sa biktima sa loob ng van dahil matindi ang pagkayupi ng harapan ng sasakyan.

Gulat pa hanggang sa ngayon ang ama ng biktima na si Ronel Azurin dahil sa pagkamatay ng panganay niyang anak.

Si Joseph kasi ang nagmaneho ng kanilang van nang makauwi na ang kanilang driver sa bahay nito.

Kagagaling lang nila sa Cagayan para maghatid ng mga prutas.

“Tumawag ang mama niya sa driver namin, hindi kasi makontak ang anak namin kasi tulog daw, yung driver ang nakausap sabi nasa Bantay na raw sila, 4p.m. siguro yun, tapos hindi na namin siya mahintay eh. Bantay lang, almost one hour na wala pa. Kaya ayon lumabas na ako, May sumundo sa amin sabi bumangga daw siya," ani Ronel.

Nanghihinayang si Ronel dahil si Joseph ay masipag at tumutulong sa kanila sa negosyo.

Sa katunayan ay grade 11 na si Joseph noong nakaraang school year, pero nagdesisyon itong huminto muna para makatulong sa mga magulang.

“Mag-aaral sana ulit siya sa June, pero ganito na ang nangyari,” ani Ronel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.