Lalaki, arestado sa 'sextortion' sa Naga City

Rona Jane Nuñez, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 05:55 AM | Updated as of May 18 2017 07:24 AM

Nahuli sa entrapment operation si Edgar Manaloto matapos isumbong ng sextortion ng isang 18-anyos na babae.

NAGA CITY - Labis ang pagsisisi ngayon ng 45-anyos na si Edgar Manaloto ng Lucena City.

Sa loob ng isang lodging house sa Tabuco, Naga City, inaresto siya ng operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng regional anti-cybercrime office pasado alas-7 Miyerkules ng gabi.

Subject siya ng entrapment operation, matapos isumbong ng sextortion ng isang 18-anyos na babae.

Mula pa sa probinsya ng Sorsogon ang biktima.

Kwento niya, nagsimula ang lahat ng may maka-chat siya sa Facebook noong Abril 30.

Nagpakilala itong foreigner na nagngagalang Rudson Williams.

Inalok umano siya ng $1,000 at iPhone 7, kapalit ng pagpapadala niya ng mga hubad na larawan.

Nagpadala ng larawan ang biktima, kasabay ng kanyang contact information.

Pero makalipas ang ilang oras, ang suspek na si Manaloto ang nag-kontak sa biktima.

May nagpadala umano sa kanya ng hubad na larawan ng babae, na ikakalat nito kung hindi makikipag-usap sa kanya.

Nagmakaawa siya kay Manaloto subalit tinakot umano siya na ikakalat ang larawan kung hindi siya makikipagkita sa kanya.

Nagkita sila sa Naga City noon Mayo 3 at may nangyari sa kanila.

Dahil sa takot, nasundan pa ang pagkikita ng dalawa noong May 10.

Halos limang oras ang binabiyahe ng dalaga mula Sorsogon papunta sa Naga City.

Itinago ng biktima sa kanyang pamilya ang pangyayari.

Nitong Linggo lang nag-desisyon siyang dumulog na sa otoridad.

Ayon kay Senior Police Officer 2 Carlo Benavente, inihahanda na ang patong-patong na kaso laban sa suspek.

Ngayong Huwebes nakatakdang sampahan ng kaso si Manaloto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.