HULI sa CCTV: Pag-salpok ng van sa kasalubong na trak

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 09:21 PM

BANTAY, Ilocos Sur – Isang lalaki ang nasawi matapos na sumalpok ang minamaneho nitong van sa kasalubong na trak nitong Martes sa national highway na sakop ng Barangay Bulag East.

Nakilala ang nasawi na si Joseph Azurin, 18-taong gulang.

Sa imbestigasyon, mabilis ang patakbo ng van at nag-overtake pa ito kaya bumangga sa kasalubong na trak na minaneho ni Lowel Pido.

“Actually, mabilis talaga ang takbo niya, nag overtake pa, hindi niya nakita ang padating na malaking trak,” ayon kay Police Chief Inspector Edgardo Medrano.

Paliwanag ng driver ng trak, iniwasan pa niya ang van.

“Pa-west direction kami sa national highway, biglang nag overtake ang van kaya iniwasan ko pero sinundan pa rin kaya bumangga,”ayon kay Pido.

Nahirapan naman ang mga rescuers sa pagtanggal sa biktima sa loob ng van dahil matindi ang pagkayupi ng harapan ng sasakyan.

“Bigla na lang nagbungguan diyan. Tapos yung driver mag-isa siya. Kung hindi lang dumating ang rescue, nagkaipon-ipon ang traffic diyan,” sabi ni Leonardo Penaflorida.

Gulat pa hanggang sa ngayon ang ama ng biktima na si Ronel Azurin dahil sa pagkamatay ng panganay niyang anak. 

May kasamang driver ang biktima nang mag-deliver sila ng prutas sa Cagayan. Pero si Azurin na ang nagmaneho ng van matapos niya ihatid ang driver sa kanilang bahay.

Nanghihinayang si Ronel Azurin dahil ang anak na si Joseph ay masipag at tumutulong sa kanilang negosyo. Sa katunayan ay Grade 11 na siya noong nakaraang school year, pero nagdesisyon itong huminto muna para makatulong sa mga magulang.

“Mag-aaral sana ulit siya sa June, pero ganito na ang nangyari,” ayon sa kanyang ama.

Nakatakdang mag-usap ngayong araw ang magkabilang panig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.