Droga at iba pang kontrabando, nasabat sa 2 bilangguan sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 08:44 PM

CARIGARA, Leyte - Nasabat ang mga gamit sa pagrere-pack ng droga sa loob ng Carigara Sub-Provincial Jail matapos magsagawa ng Oplan Galugad ang mga awtoridad, Miyerkules ng hating gabi.

Nakumpiska mula sa ilang mga selda ang isang sachet ng hinihinalang shabu, mga cellphone, digital weighing scale, at mga lighter, sabi ni Supt. Federico Sanchez, deputy provincial director ng Leyte Police Provincial Office.

Dahil sa mga nakuhang gamit, iimbestigahan ng mga pulis ang posibilidad na tuloy pa rin ang kalakaran ng iligal na droga sa loob ng kulungan, dagdag ni Sanchez.

Samantala, nagkaroon din ng Oplan Galugad Miyerkules ng madaling araw sa Leyte Provincial Jail sa Barangay Barayong Palo, kung saan nasabat naman ang mga appliance, mga deadly weapon at mga cellphone mula sa ilang mga preso.

Mga TV, speakers, refrigerator, rice cooker, water dispenser, electric fan at gas range, ang nakuha mula sa kubol ni Dominador Omega.

Nakumpiska rin ang isang freezer, dalawang motor at isang multicab na pagmamay-ari di umano ng isang bilanggo na kinilala bilang si Mario Marmita.

Giit ng provincial warden na si Homobono Bardillon, hindi niya alam kung bakit nakapasok ang mga bagay na ipinagbabawal sa loob ng kulungan.

Walang special treatment na ibinibigay sa ibang nga bilanggo, dagdag ni Bardillon.

Ayon sa warden, handa siyang maimbestigahan ng mga nakatataas na opisyal ang mga kontrabandong natagpuan sa loob ng bilangguan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.