DepEd, ipinagmalaki ang 1:35 teacher-student ratio

Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 02:12 AM | Updated as of May 18 2017 03:09 AM

MANILA – Siniguro ng Department of Education (DepEd) na may sapat na bilang ng mga aklat para sa lahat ng estudyante sa pampublikong paaralan sa darating na pasukan.

Katunayan, ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, one-is-to-one na ang student-textbook ratio ngayon. 

Ibig sabihin, bawat estudyante sa mga pampublikong paaralan ay may sarili nang mga libro sa lahat ng basic subjects gaya ng math, science at English. 

Pero aminado rin si Mateo na kailangan ding i-update ang textbooks kada dalawa o tatlong taon, kaya kapag minsan daw ay naaantala ang pag-distribute ng libro, lalo na sa malalayong probinsiya. 

Ipinagmalaki rin ng DepEd ang one-is-to-35 teacher-student ratio. 

Ibig sabihin, sa karamihan ng pampublikong eskwelahan ngayon, mayroong umanong isang guro sa bawat 35 estudyante, kumpara sa higit 50 noon. 

Nagpapatuloy pa ang paghahanap ng aabot sa 53,000 na mga guro para sa school year 2017 hanggang 2018, para mapunan ang mga pangangailangan ng mga guro lalo pa't ipinapatupad na ngayon ang programang K to 12.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.