Dahil umano sa P100 utang, teenager patay sa pananaksak

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 09:44 AM

MANILA - Patay ang isang teenager matapos pagsasaksakin ng isang lalaki dahil sa pagtanggi umanong magbayad ng P100 utang sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong Martes ng gabi.

Kuwento ng suspek na si Ariel Zaragosa, imbes na magbayad ng utang ay nagalit pa umano sa kanya ang 18-anyos na biktimang si Rolando Tutaan Jr.

Pumasok ang suspek sa pinagtatrabahuhang tapsilugan at nang lumabas, dito na niya sinuntok ang biktima.
 
"Ayaw ibalik ang P100! Siya yung galit, kaya nagsuntukan kaming dalawa. Nasa loob na po ako, nag-iingay pa po siya. Narindi tainga ko," ani Zaragosa.

Sinubukan pang awatin ng isang saksi ang away ng dalawa pero biglang naglabas ng kutsilyo ni Zaragosa.

"Unang saksak, 'di tumama. Pangalawa't pangatlo, ayun na. Pati ako natamaan. May mga sugat ako," sabi ng saksing si Hajji Alejandro Reynolds.

Isinugod pa sa ospital si Tutaan pero binawian din ng buhay. Naaresto naman si Zaragosa.

Nang tanungin kung nagsisisi sa nagawa, sinabi ng suspek na, "Anong gagawin ko po, eh nagawa ko na 'yun."

Inamin din ni Zaragosa na gumagamit siya ng shabu at kasama siya sa mga sumuko kamakailan sa Oplan Tokhang.

Hindi naman matanggap ng ama ng biktima na si Rolando Tutaan ang sinapit ng kanyang panganay na anak.

Hindi rin siya naniniwala na utang ang pinag-ugatan ng pagpatay, lalo't hindi umano ito ang unang beses na nag-away ang dalawa.

Nakakulong na sa Mandaluyong City Jail ang suspek na nahaharap sa kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.