Binatilyong natutulog sa gilid ng kalsada, sinaksak

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 06:44 PM | Updated as of May 18 2017 05:44 AM

Patay ang 13 anyos na binatilyo matapos undayan ng saksak sa leeg habang natutulog sa gilid ng kalsada sa Project 4, Quezon City.

Nakunan sa CCTV na sa tapat ng natutulog na binatilyo, may pumaradang SUV sakay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Kalauna'y bumaba sa sasakyan ang lalaki, pinagmasdan ang batang natutulog, at bumalik sa sasakyan.

Maya-maya, sumugod na ang lalaki at inundayan ng saksak sa leeg ang binatilyo.

Nakatayo pa ang biktima matapos masaksak, pero napabulagta sa kalsada.

Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District ang pamamaslang sa biktima.

"Pinlano talaga niya dahil makailang beses siyang nagpaikot-ikot at binalikbalikan ang biktima," pahayag ni Senior Insp. Elmer Monsalve, Quezon City Police District-Homicide.

Ayon naman sa mga opisyal ng barangay, posibleng napagkamalan lang na batang hamog ang biktima. May ilang batang hamog daw kasi roong nanggagasgas ng sasakyan.

Katarungan ang panawagan ngayon ng mga magulang ng biktima.

Nakikiusap din sila sa mga testigo sa pananaksak na makipag-ugnayan sa QCPD-Criminal Investigation Detection Unit para sa ikalulutas ng krimen.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.