Bawang, sibuyas, taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 04:33 PM | Updated as of May 18 2017 05:18 AM

Tumaas ang presyo ng ilang pangunahing sangkap sa pagluluto gaya ng bawang at sibuyas. Ayon sa mga tindera, isa sa mga dahilan dito ay ang matinding init ng panahon. 

Sa Balintawak Market, nasa P185 ang bentahan ng bawang kada kilo. Kung isang balot naman ang bibilhin, nasa P30 na ito mula sa dating P20 lamang. 

Nasa P50 naman ngayon kada kilo mula sa P35 ang sibuyas. 

Ayon sa mga tindera, isa sa mga nakaaapekto sa presyo ng gulay ang matinding init ng panahon. 

Wala namang paggalaw sa presyo ng iba pang mga gulay. 

Naibalita kamakailan ang pagmamahal ng baboy dahil mas kaunti ang supply mula nang tamaan ang mga ito ng sakit na porcine epidemic diarrhea noong nakaraang taon. Posible naman umanong bumaba ang presyo ng baboy pagdating ng Hulyo. 

Nagmahal din noong nakaraang linggo mula P1 hanggang P2 ang presyo ng bigas kada kilo. Naglalaro sa P43-52 ang halaga nito depende sa klase. 

Mababa pa rin kasi ang buffer stock o reserbang bigas ng National Food Authority, ayon kay Director Marietta Ablaza, spokesperson ng NFA. Aminado si Ablaza na mahigpit ang suplay ng bigas at kukulangin talaga ng buffer stock kung hindi mag-aangkat dahil hindi umano nakabili noong panahon ng anihan bunsod ng masyadong mataas na presyo nito. 

Inanunsiyo rin ni Cabinet Secretary Jun Evasco na ang natitirang NFA buffer stock ay aabot lamang ng walong araw. 

Nilinaw naman ng NFA na walang kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa, at ang pag-aangkat nito mula sa mga pribadong supplier ay makatutulong sa hindi na pagtaas pa ng presyo ng bigas sa merkado. Iginiit din ng NFA na walang dahilan para mag-panic-buying ng bigas ang mamamayan. 

Mahalaga umano na magkaroon ng buffer stock o reserbang bigas upang masigurong may nakalaan sa panahon ng kalamidad o bagyo, at upang hindi na magkaroon ng biglaang pagmamahal nito. 

Mas mura ang magiging presyo ng bigas kung mula sa mga pribadong supplier dahil sa matinding kompetisyon ng mga sasali sa subastahan. 

Pagpapasiyahan pa ng NFA Council sa Huwebes kung gaano karaming bigas ang aangkatin, at kung ang mga pribadong negosyante ay papayagan ding mag-angkat.

Kinumpirma naman ni Ablaza na nagkasundo sina NFA Administrator Jason Aquino at ang council na pirmahan ang mga papeles sa pag-aangkat sa tinatayang 57,000 metric tons ng bigas. Ito ay in-order ng mga pribadong negosyante ng bigas, at naipadala na rin sa bansa bago pa ang deadline noong Marso 31. Makatutulong din umano ito na hindi na tumaas pa ang presyo ng bigas. 

Ang mahalaga aniya, may sapat na buffer stock ng bigas o hindi kukulangin ang suplay nito kahit pa sa tinatawag na 'lean months' ng bansa.

-- Ulat nina Bianca Dava, Carolyn Bonquin, at Jon Ibañez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.