Bangkay ng lalaki, natagpuang palutang-lutang sa dagat sa Bacolod City

Meneil Lopez, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 11:56 PM

Natagpuang palutang-lutang sa dagat ang bangkay ni Jessie Dalida, 37. Meneil Lopez, ABS-CBN News

Natagpuan ang bangkay ng anak ng isang purok chairman ng Barangay Singcang Airport, Bacolod City, nitong Miyerkules ng umaga.

Palutang-lutang sa dagat ang bangkay ni Jessie Dalida nang matagpuan ito ni Rodney Bubuli habang nangunguha ng alimasag. Agad niya itong dinala sa tabi ng dagat.

Ayon kay Purok Chairman Mario Dalida, natatanaw niya pa lang ang bangkay mula sa dagat ay nag-iisip na siya na bangkay ito ng 37 anyos niyang anak na si Jessie. Hindi pa kasi ito nakakauwi mula kagabi.

Dagdag pa niya, may kainuman sa labas ng kanilang bahay ang kanyang anak nang huli niya itong makita.

Ayon kay Police Senior Inspector Wilfredo Benoman, hepe ng Police Station 8, may mga sugat sa katawan ang bangkay ng biktima. 

Hinihintay nila ang resulta ng autopsy sa bangkay para malaman kung ano ang ikinamatay nito.

Inaalam pa ng Philippine National Police kung may foul play sa pagkamatay ni Jessie at kung sinu-sino ang mga kasamahan niya sa inuman kagabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.