Bagong biktima ng 'tanim-droga': Ginang na may 3 anak, high blood at goiter

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 12:46 PM

MANILA - Patuloy ang paglutang ng mga umano'y biktima ng pagtatanim ng ebidensya sa mga anti-illegal drug operation. Pinakahuli sa kanila ang isang ginang na may karamdaman at 3 paslit na anak.

Tinangka umano ng ilang pulis na hingan ng P10,000 ang 35-anyos na ginang na si Christina Flores matapos siyang "mahuli" sa isang umano'y gawa-gawang buy-bust operation sa La Loma, Quezon City nitong Disyembre, kuwento ng kanyang kinakasamang si alyas "Romeo" sa panayam ng DZMM Miyerkules.

Batay sa joint affidavit of arrest nina PO1s Allen Christian Camangon at Mico Jensen Amurao, nahuli si Flores noong Disyembre 22 kasama ang isang Michael Bryan Ortiz.

Nakuha umano sa kanila ang 3 pekete ng shabu at P300 marked money.

Isinagawa ng 33 pulis ang operasyon mula tanghali ng Disyembre 21 hanggang tanghali ng Disyembre 22 -- bagay na pinabulaanan ni Romeo.

Aniya, kakauwi lang ni Christina galing sa simbahan noong gabi ng Disyembre 21 nang kumatok sa kanilang barong-barong ang 2 pulis.

Inimbitahan aniya ng mga pulis si Christina sa barangay dahil itinuro siya bilang runner ng droga ni Ortiz, na umano'y isang drug pusher.

Mula sa barangay, isinakay si Christina sa L300 van at idineretso sa La Loma police station.

"Sabi ng asawa ko, habang andoon sila sa van, tinanong sila, may pera ba kayo d'yan, magkano ba pera niyo d'yan," ani Romeo.

Kapos sa pera ang pamilya ni Christina dahil nag-aalaga lamang siya ng tatlong anak na edad 3 hanggang 7, habang pumapasada naman bilang taxi driver si Romeo.

Wala silang naibigay na pera sa mga umaresto kay Christina, ani Romeo.

Sinampahan si Christina ng possession and selling of dangerous drugs at halos 5 buwan nang nakakulong sa Kampo Caringal.

Ito'y kahit pa malinaw na walang nakuhang droga kay Christina noong gabing inimbitahan siya sa barangay, batay sa certified true copy ng blotter sa barangay na nakuha ng ABS-CBN News.

Napag-alaman din na ang sinasabing 3 sachet ng droga ay nakuha sa suspek na si Ortiz at hindi kay Christina.

'MALICIOUS PERSECUTION'

Ayon kay Romeo, naghihirap sa kulungan ang ginang dahil mayroon itong high blood pressure at goiter.

Napipilitan din aniya siyang ipakisuyo sa mga kapitbahay na alagaan ang kanilang mga anak tuwing pumapasada siya.

Walang bayad namang tumutulong ang abogadang si Cora Agustin para makalaya si Christina.

Sa hiwalay na panayam ng ABS-CBN News nitong Martes, pinulaan ng abugada ang mga pulis na umaresto sa kanyang kliyente. Aniya, paano mangyayari ang sinasabing buy-bust operation noong umaga ng Disyembre 22 kung gabi pa lang ng Disyembre 21 ay nasa kulungan na si Christina.

"Ang ginawa po nila, malicious prosecution, tanim-droga, tanim-ebidensiya. Kahit sino pong hindi nag-aral ng batas makikita po nila na inconsistent po 'yun," sabi ni Agustin.

Nangako naman ang Quezon City Police District (QCPD) na iimbestigahan ang alegasyon ng tanim-droga at ipatatawag ang mga pulis na sangkot.

"Hindi natin ito tino-tolerate at sasampahan natin ng kasong administratibo ang sinuman na mapapatunayan na may lapses," pangako ni QCPD director, Chief Supt. Guillermo Eleazar.

Iniutos na ng Quezon City Regional Trial Court na muling imbestigahan ng City Prosecutor's Office ang kaso.

Kumpiyansa ang abugado ni Christina na mapapawalang kaso siya dahil sa panibago at matibay na ebidensiya nila laban sa mga pulis-La Loma.

-- May ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.