Babae, inireklamo ang pagbaril ng kapitbahay sa kanilang aso

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 08:48 PM

SAN ILDEFONSO – Inireklamo ng isang babae sa mga pulis ang umanong pagbaril sa kanyang aso ng isang lalaki gamit ang airgun o iskopeta.

Ayon kay Gloribel Rapin, binaril ni Alex Bersamina ang kanyang alaga nang dumaan ito sa kanilang bahay sa Barangay Bahet, San Ildefonso, Ilocos Sur noong Linggo.

Ayon kay Rapin, nakarinig sila ng tatlong putok. Nang sila ay lumabas, nakita nila ang kanilang aso na nanghihina at may tama sa baba ng tainga. 

Dahil namatay ang kanilang aso noong Lunes ay nagdesisyon silang isumbong sa mga otoridad ang pananakit sa aso, na maituturing na paglabag sa Republic Act 8485, o Animal Welfare Act.

Mahigit isang taon nang alaga ng pamilya Rapin ang aso.

“Siyempre nagulat iyong aso nang nagpaputok siya, kaya siya naging mabangis noong dumaan siya. Noong nakadaan na siya, akala ko hindi na niya nilagyan ng bala yung airgun niya pero naglagay pa rin pala siya. Tumakbo iyong aso sa akin, doon ko na siya nakitang duguan,”ani Rapin.

Kung mapapatunayan ang akusasyon kay Bersamina, haharap siya sa parusang pagkakulong mula isang taon at anim na buwan at isang araw hanggang dalawang taon, at posible ring pagbayarin ng hindi lalagpas sa P100,000.

Nang mag-imbestiga ang mga pulis ay nakita nilang maaaring kunektado ang insidente sa isa pang pamamaril sa kanilang barangay noong Lunes, kung saan binaril si Alex Bersamina ng kanyang kapatid na si Antonio Bersamina Jr., dahil sa umanong muntikang paghampas ng kahoy ni Alex sa anak ni Antonio.

Ayon kay Police Chief Inspector Rodel Ularte, ang hepe ng pulis sa San Ildefonso, ang anak ni Antonio ang nag-aalaga sa aso ng mga Rapin, at sinita nito si Alex sa umanong pagbaril dito.

Magtatakda ang mga pulis ng petsa kung kailan maaaring mag-usap ang mga Rapin at si Bersamina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.