6 pulis, sibak sa pwesto kaugnay ng tanim-droga sa Quezon City

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 08:56 PM

Sinibak na sa puwesto ang anim na pulis, kabilang ang station commander at hepe ng drug enforcement unit ng La Loma Police Station sa Quezon City (QC), kaugnay sa kaso ng babaeng nabiktima umano ng ‘tanim-droga’ at ‘tanim-ebidensiya’.

Nakulong si Christina Flores matapos umano siyang mabiktima ng ‘tanim-droga’ at ‘tanim-ebidensiya’ nitong nakaraang Disyembre.

Pinalabas na nahuli siya sa isang buy-bust operation noong Disyembre 22 samantalang nakakulong na siya sa presinto noong Disyembre 21.

Dahil sa alegasyon, agad na sinibak ni QC District Director Chief Supt Guillermo Lorenzo Eleazar si Supt. Tomas Nuñez, station commander ng La Loma Police Station, pati ang hepe ng drug enforcement unit na si Insp. Felipe Tumibay. 

Tanggal din sa puwesto sina PO1 Allen Christian Camangon, PO1 Mico Jensen Amurao, PO1 Alvin Afroilan, at PO1 Jesson Valenzuela.

Iginiit ni Nuñez na pinakawalan din nila si Flores at ang nahuling suspek na si Michael Ortiz noong gabi ng Disyembre 21.

“Wala pong nakakulong dun ng umaga, tapos nahuli sila kinabukasan, binuy bust namin para sigurado na walang kawala, na lalong lumakas ang aming paniniwala na pusher siya,” ani Nuñez.

Pero ayon sa isang testigo at batay rin sa blotter ng barangay, kasama ang mga tanod nila nang dalhin ng mga pulis si Flores sa kulungan.

“Gusto natin maaresto yung mga involved lalo na mga pusher but, just the same, hindi natin pwede i-shortcut at hindi natin puwedeng i-violate ang karapatan nitong mga suspect,” ani Eleazar.

Ayon sa Philippine National Police Internal Affairs Service, maaaring maharap sa kasong dishonesty at conduct unbecoming of a police officer ang mga pulis kapag mapatunayan na inimbento lang nila ang nakasaad sa affidavit of arrest, lalo't matibay na ebidensiya ang nakasaad sa blotter ng barangay.