4-day workweek, isusulong na rin sa Senado

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 09:09 PM

Tinatrabaho na rin sa Senado ngayon ang bersiyon ng panukalang batas na pantapat sa panukala sa Kamara na gawing apat na araw lang ang pasok sa trabaho kada linggo.

Lumusot na kasi ang panukalang batas sa labor and employment committee ng House of Representatives. 

Sa panukalang House Bill 5068 ni Baguio City Rep. Mark Go, dadagdagan ang oras ng trabaho kada araw para mapaikli naman ang bilang ng araw ng trabaho kada linggo. Kailangan lang na makabuo ang empleyado ng 48 oras sa trabaho kada linggo.

Tiwala si Go na makabubuti rin ito para sa mga may-ari ng kumpanya dahil makakatipid sila sa konsumo ng utilities kapag nabawasan ang araw ng pagpasok. 

Pero ang isang grupo ng employers sa bansa, may alinlangan sakaling maisabatas na ang panukala. Baka raw kasi makaapekto ito sa operasyon ng kanilang mga kumpanya. 

Ikinatuwa naman ng ilang manggagawa ang posibilidad na maging batas ito dahil kapag nagkataon, makakamenos na sila sa pamasahe at magkakaroon pa ng dagdag na isang araw na pahinga.

Samantala, pasado na sa ikalawang pagbasa sa Senado ang telecommuting bill na layong mabigyan ang mga empleyado ng pagkakataong makapag-‘work at home’ o magtrabaho mula sa kanilang bahay. Halos pareho raw ng benepisyo ng compressed workweek bill ang panukalang telecommuting.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.