PatrolPH

5 taong gulang na babae ginahasa, pinatay sa Batangas City

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 16 2022 12:48 PM | Updated as of May 16 2022 08:00 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Isang 5 taong gulang na babae ang ginahasa at pinatay ng kaniyang kapitbahay sa Barangay Wawa, Batangas City, sabi ngayong Lunes ng mga awtoridad.

Natagpuan umano ang hubo't hubad na bangkay ng bata na nakasilid sa isang garbage bag noong Sabado, kasunod ng ulat ng kaniyang pagkawala noong gabi ng Biyernes.

Nahanap umano ang bangkay sa likod ng CR ng bahay ng 23 anyos na suspek, na kapitbahay lang din ng pamilya ng biktima.

"Lumabas sa autopsy report, ito (biktima) ay binigti," anang imbestigador na si Capt. Richard de Guzman. 

"Lumabas na din po 'yong kaniyang medico legal na ito po ay ginahasa," dagdag niya.

Agad naaresto ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.

Ayon kay De Guzman, dati nang naaresto ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga. 

"Siya po ay nakalaya sa plea bargaining agreement at siya po ay under probation po. Siya po ay ating pina-drug test at siya po ay positibo sa illegal na droga," anang pulis.

Mabilis na hustisya ang hiling ng pamilya ng biktima, na panganay sa 2 magkapatid.

Kinasuhan ng rape with homicide ang suspek.

Bukod sa pulisya, magkakaroon rin ng motu proprio investigation ang Commission on Human Rights-Calabarzon sa krimen.

"We welcome the quick action of the Batangas City Police in apprehending the suspect in this heinous crime. CHR strongly condemns all acts of violence against children and will work with local law enforcement officials in the conduct of its parallel investigation," sabi ni CHR Executive Director Jacqueline Ann de Guia.

"We extend our condolences to the family and loved ones of the victim," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.