Ilang taga-Metro Manila ang namaysal sa mga outdoor tourist attraction ngayong Linggo matapos itong payagan sa ilalim ng bagong quarantine restriction.
Sinimulang ipatupad noong Sabado ang general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa NCR (National Capital Region) Plus, kung saan pinapayagan ang pagpunta sa mga outdoor tourist attraction basta 30 porsiyentong kapasidad at nasusunod ang mga health protocol.
Sa Intramuros, Maynila pinili ni Michelle Manalastas at kaniyang mga pinsan na magpalipas ng oras ngayong Linggo.
Matagal nang stay at home sila Manalastas, na galing pang Marikina, at nainip na sa bahay kaya naisipang bumisita sa makasaysayang walled city.
"Wala kasi kaming planong gawin ngayon kaya ayun, nag-try kami dio. Maiba naman. Lagi lang kami kasi nasa bahay," kuwento ni Manalastas.
Hindi sila nakapasok sa Fort Santiago at Baluarte de San Diego dahil sa Lunes pa bubuksan ang mga ito sa publiko.
Gayunpaman, masaya na aniya sila na kahit papaano'y nakapasyal na sila.
Sabik naman sa pagbubukas ng Intramuros ang kutsero at tour guide na si Eugene Puno.
Umaasa siyang kahit papaano'y makakbawi na sila sa kita kahit sa mga lokal na turista.
"Sana dumating na 'yong mga tourists para dire-diretso na 'yong trabaho namin," ani Puno.
Noong katapusan ng Marso, muling isinailalim sa mahigpit na enhanced community quarantine ang NCR Plus (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal) dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon naman kay Trade Secretary Ramon Lopez, mas dahan-dahan ang ginagawang pagbubukas ng ekonomiya ngayon, lalo't na-detect na sa bansa ang mas nakahahawang coronavirus variant na unang nakita sa India.
"Dadahan-dahanin natin itong pagbubukas para hindi ho tayo mabalik sa surge na nangyari noong March," sabi ni Lopez.
Tiniyak naman ng kalihim na kung magiging maayos ang numero ng COVID-19 cases, puwede na ulit i-adjust ang operating capacity para tuluyan nang makapagbukas ang mga negosyo.
Hinikayat din ni Lopez ang mga kompanya at establisimyento na mas pagandahin pa ang ventilation system.
Mas malaki aniya ang tsansang payagang dagdagan ang operating capacity ng isang negosyo kung makikitang sumusunod ito sa mga protocol ng Department of Trade and Industry at Department of Labor and Employment.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, general community quarantine, GCQ with heightened restrictions, turismo, local tourism, Intramuros, Maynila, Covid-19, Department of Trade and Industry, negosyo, hanapbuhay, Covid-19 pandemic, NCR Plus, NCR Plus GCQ, TV Patrol, Robert Mano