‘Parang buhawi’: Ilang estraktura, kabuhayan pinadapa ng bagyong Ambo

ABS-CBN News

Posted at May 16 2020 05:28 PM | Updated as of May 16 2020 06:49 PM

Isa ang St. Ramon Nonatos parish sa mga estrakturang napatumba ng bagyong Ambo. Apat na ang naitalang patay sa bagyo. Alren Beronio, ABS-CBN News

MAYNILA - Aabot na sa apat ang naitalang patay sa pananalasa ng bagyong Ambo, na nagdulot ng landslide, baha, at iba pang pinsala sa iba ibang parte ng Luzon at Visayas sa loob ng ilang araw. 

Anim na oras binayo ng bagyo ang Eastern Samar, na unang dinaanan ni Ambo. Nawalan ng kuryente at nakaranas ng pinsala sa mga estraktura gaya ng kanilang mga simbahan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Anila’y parang buhawi ang pagdaan ng bagyo, ayon kay Fr. Guido Ditalo, parish priest ng San Ramon Nonatos parish na pinabagsak ng bagyo sa Eastern Samar. 

Pinadapa rin ng bagyo ang bahay ng ilang residente. 

Binaha rin ang bayan ng Jipadpad dahil sa tubig na galing sa kabundukan. Tinuklap din ng bagyo ang bubong ng ilang bahay. 

Tatlo ang naitalang patay, habang 25 ang nasugatan sa Eastern Samar. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang nasa 100 bahay naman sa bayan ng San Francisco sa Quezon ang nasira. 

Isa rito ang pamilya Salvador, na nakatira sa Barangay Kawayan Uno. Parang dinaanan daw sila ng dambuhalang buhawi. 

"May kulay itim sa langit. Tapos sumigaw ako ng dapa! Yan kaya po nasira bahay namin, talaga pong washout ang aming bahay,” ani Ron Salvador, na ika-2 beses nang nasiraan ng bahay matapos ang bagyong Tisoy. 

"Parang helicopter po talaga naugong talaga ang lakas ugong , tapos nabomba ang aming bahay, naganyan oh kaya po kami ay natakot na,” ani Girlie Salvador. 

Isang senior citizen naman ang naitalang patay matapos mabagsakan ng gumuhong pader sa bayan ng Catanauan, Quezon. 

Aabot sa 20 bayan sa Quezon ang nawalan ng kuryente dahil sa bagyong Ambo. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Atimonan, Quezon, naapektuhan ang hanapbuhay ng mga magniniyog ngayong pinadapa ng bagyo ang kanilang mga puno. 

Kasabay nito, nabagsakan din ang ilang bahay malapit sa mga puno.

Ayon sa Quezon disaster office, matinding naapektuhan ang agrikultura sa kanilang lugar, partikular na ang pagniniyog kung saan kilala ang Quezon. Aabot aniya sa halos P2 bilyon ang naging pinsala sa agrikultura sa Quezon. 

“Kung matatandaan December 2019 tinamaan kami ng Tisoy na malakas at ngayon ay buwan ng Mayo so supposedly ‘yung niyog namin regenerated na tapos tinamaan na naman so kung i-compute ang damage sobrang laki ng epekto sa Quezon,” ani Melchor Abenilla, disaster mitigation chief ng Quezon. 

Isa sa mga naapektuhang manggagawa si Joel Meude, isang magniniyog. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Real, Quezon, naiulat ang dalawang landslide at may mga bahay na nawasak dahil sa nagtutumbahang mga puno. 

Isa sa mga nasirang bahay ang bagong-gawang bahay ni Ariel Villegas. Lumambot kasi ang lupa at nabagsakan ng mga puno ang kaniyang bahay. 

Isa rin sa napinsala ang bahay ni Rogelio Beguia. Pero sa kabutihang palad, wala namang nasaktan. 

Laking pasasalamat niyang hindi sila nasapul lalo’t bed-ridden ang kaniyang asawa. 

“Ang hangin parang umiikot, malakas, di ako makapaniwala; salamat sa Diyos at niligtas ang pamilya ko,” ani Beguia. 

Nagpapatuloy sa ngayon ang damage assessment sa lugar. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bayan ng Casiguran, Aurora, binaha ang may 11 barangay pero humupa na ito makalipas ng ilang oras. 

Hinihintay pa ngayon ng mga awtoridad kung may naitalang pinsala sa mga estraktura sa Casiguran, ayon kay municipal disaster mitigation chief Jaimar De Leon.

Samantala sa Metro Manila, nawalan ng kuryente sa ilang lugar at may mga nagsibagsakang estraktura sa ilang siyudad. 

Sa Barangay San Antonio sa Pasig, bumagsak ang isang estraktura na pinangsasalo ng debris pero wala namang nasaktan. 

Nabuwal naman sa Makati ang isang malaking puno dahil sa lakas ng hangin. 

-- Ulat nina Ranulfo Docdocan, Andrew Bernardo, Jeff Canoy, Kevin Manalo, Dennis Datu, at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.