DSWD: Nasalanta ng bagyo sa Bicol at Eastern Visayas, nahatiran na ng tulong

ABS-CBN News

Posted at May 16 2020 03:37 PM

MAYNILA - Nakapagpaabot na ng pangunahing tulong ang Department of Social Welfare and Development sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Ambo.

“Nakapagpahatid na tayo ng family food packs sa Region 5 (Bicol Region) at Region 8 (Eaastern Visayas),” pahayag ni DSWD spokesperson Irene Dumlao.

Unang nag-landfall ang bagyo sa San Policarpo sa Eastern Samar bago tumama sa Dalupiri Island, Northern Samar; Capul Island, Northern Samar; Ticao Island, Masbate; Burias Island, Masbate; San Andres sa Quezon]; Real sa Quezon.

“Tayo ay nakikpagtulungan sa ibang ahensiya ng pamahalaan, partikular na sa Office of the Civil Defense para sa provision ng naval assets para makapagpahatid tayo ng karagdagan family food packs sa iba pang lugar na naapektuhan ng bagyong Ambo,” sabi ni Dumlao sa panayam sa Laging Handa nitong Sabado.
 
Dagdag ni Dumlao na mayroong standby funds ang departamento na mahigit P239 milyon kung saan P199 milyon dito ay magagamit bilang quick response fund.

“May stockpiles na mahigit P176 milyon worth of family food packs at non-food items na worth P483 milyon na magagamit sa pagpapahatid ng karagdagang tulong sa mga local government units upang matugunan nila yung pangangailangan po ng kanilang constituents,” saad ni Dumlao.

Sa pinakahuling ulat ng state weather bureau PAGASA nitong alas-11 ng umaga, bahagyang humina ang bagyo habang tinatahak nito ang baybayin ng Ilocos provinces.

Patuloy itong nagdadala ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at northern portions ng Aurora at Zambales.

Inaasahan naman itong lalabas ng Philippine area of responsibility sa Lunes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.