PatrolPH

COVID-19 testing lab sa Ospital ng Palawan, magbubukas na

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 16 2020 02:11 AM

COVID-19 testing lab sa Ospital ng Palawan, magbubukas na 1
Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City. File

PUERTO PRINCESA - Maaari nang magamit ang COVID-19 laboratory sa Ospital ng Palawan para makapag-identify ng mga positibong kaso ng coronavirus, ayon sa direktor ng institusiyon nitong Biyernes.

Ito ang kauna-unahang COVID-19 laboratory na binuksan sa Mimaropa.

Ayon kay Dr. Melecio Dy, hepe ng ospital, nakakuha na ng license to operate at certification mula sa Research Institute for Tropical Medicine ang naturang ospital para sa COVID-19 testing lab nito.

May isang pathologist at dalawang medical technologist na sumailalim sa training ng RITM.

Paglilinaw ni Dy, bagaman may license to operate, Martes pa ito maaaring magamit dahil kailangan pa nila magsagawa ng "simulation test" bago tuluyang buksan sa publiko.

"Ang gusto namin ma-open on the soonest, No. 1 consideration namin is the safety kasi we will be handling a live virus, we need to make sure na lahat ng pre-cautionary ay nandoon. Ang target namin not later than Tuesday, pinaka-latest ay Tuesday," aniya.

Ang laboratory ay may isang "geneXpert" machine na magsasagawa ng confirmatory test. Kaya nitong makapag-test ng 16 na samples sa isang araw.

Ang mga pasyente na naka-admit sa ospital ang posibleng uunahin sa pagte-test, lalo na't limitado pa ang cartridge ng machine nito.

"Given the limited resources, hindi ko alam kung ilan pa ang cartridge natin. Hirap din kasi bumili. Since hindi pa namin na-finalize, we will have to come up with at least a certain parameter at guidelines para ma-guide kami if there's any to prioritize," aniya.

Dagdag ni Dy, tatanggap din sila ng referral mula sa ibang lugar.

Tatagal ng tatlong araw bago malaman ang resulta ng kanilang COVID-19 tests. Ito na raw ang pinakamabilis na magagawa ng ospital dahil may proseso pa itong pagdadaanan bago mailabas ang resulta sa publiko.

"Hindi umaabot ng 3 days ang pag-test pero mayroon pang mga procedure from the test. May mga technicalities pa na gagawin bago talaga ma-encode and say that negative or positive. May validation," ani Dy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.