Video ng 'pre-shading ng balota' idinulog ng Bayan Patroller

ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 10:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinulog ng isang Bayan Patroller ang video ng mga poll watcher sa Lanao Del Sur na umano'y nagse-shade ng balota noong Mayo 13, araw ng halalan. 

Sa video na kuha ng Bayan Patroller sa Lumbatan, Lanao del Sur, abala ang electoral board (EB) sa pagkolekta ng balota mula sa mga botante. Naroon din ang mga poll watcher. 

Pero sa isa pang video, makikita ang isa umanong supporter ng mga kandidato ng pagka-mayor na sine-shade ang balota. 

"Naisip ko po na hindi po tama 'yung ginawa nila," pahayag ng Bayan Patroller sa ABS-CBN News. 

Ayon kay Frances Arabe, direktor sa Commission on Elections (Comelec) Education and Information Department, kuha ang video noong araw ng pagsusuri ng mga vote counting machine (VCM). 

Pero giit ng Bayan Patroller na araw ng halalan niya kinuhanan ang naturang video. 

May isa pang video na mula umano sa Lanao Del Sur na ipinarating sa Comelec. Nag-viral na ito at naka-tag si Comelec spokesman James Jimenez. 

Ayon kay Jimenez, hindi nila babalewalain ang kumalat na video at makikipag-ugnayan na anila sila sa mga eksperto para malaman ang detalye nito.

“We encourage whoever has information on this video to come forward and file a complaint. If it's the original uploader themselves so much the better,” ani Jimenez sa isang press conference. 

Bukod dito aniya, nanawagan siya na huwag na munang husgahan agad na nagkaroon ng dayaan sa video na nag-viral sa social media. 

"I would caution everyone against jumping to conclusions kasi right now it’s just a video," ani Jimenez. 

Sakaling may matisod na anomalya o problema tungkol sa halalan, puwede ring mag-email sa Comelec o i-tag sila sa social media.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.