Pekeng travel agent timbog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 05:32 AM | Updated as of May 17 2019 01:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Timbog ang isang pekeng travel agent sa entrapment operation sa Las Piñas City Miyerkoles ng gabi.

Hinuli ang babaeng suspek nang magkaabutan ng P5,000 na dagdag bayad para sa ire-rebook na biyahe sa Hong Kong ng biktimang si alyas "Honey" at kaniyang 2 anak.

Kuwento ni Honey, regalo sana para sa bunso niyang grumadweyt ng grade 6 ang 4 na araw na biyahe sa Hong Kong na nakaplano sana noong Marso. 

Oktobre 2018 pa niya ito ipina-book sa suspek. Ni-refer siya ng katrabaho ni Honey at nag-book na rin ng biyahe ni Honey sa Japan.

Nasa P46,500 ang halaga ng travel package, kasama na ang pamasahe, hotel, at bisita sa theme parks. Pero kahit naibayad na ito ni Honey, naudlot ang biyahe noong Marso nang hindi niya nakuha ang tiket ng eroplano. 

Nagpadeposito pa ang suspek ng dagdag na P10,000 para mai-rebook sa Agosto ang biyahe dahil nagmahal na raw ang presyo ng tiket. 

Doon na inilapit ni Honey ang kaso sa mga pulis at giniit na makipagkita sa suspek para sa transaksiyon. 

Ayon kay Honey, may iba pa umanong nabiktima ang suspek na maaaring magsampa ng karagdagang kaso. 

Depensa ng suspek, wala siyang intensiyon na manloko ng mga nagpapa-book sa kaniya dahil puwede naman ipa-refund ang mga hindi natuloy na biyahe. Handa rin siyang makipag-ayos sa mga umano'y biktima niya. 

Sasampahan siya ng kasong estafa through swindling na may ugnayan sa Cybercrime Prevention Act. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.