'Maraming alibi': Magkaibigan 2 buwang di makalipat sa condo kahit bayad na

ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 01:04 PM | Updated as of May 16 2019 01:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dismayado ang dalawang magkaibigan sa umano'y pagkatengga ng paglipat nila sa condo na binayaran nila.

Idinulog nina alyas "Dyan" at "Mae" ang kanilang problema sa "Lingkod Kapamilya" nitong Huwebes. 

Kuwento ni Dyan, naghahanap sila ng condo ni Mae noong Marso nang makita sa Facebook ang ibinebenta umanong condo ng isang nagngangalang Ellie. 

Swak sa budget at malapit lang umano sa pinagtatrabahuan ang naturang unit kaya kinausap ni Dyan si Ellie sa Facebook at kinalauna'y naikasa ang deal. 

Nakapag-downpayment ng P7,000 ang magkaibigan at nakita na rin nila mismo ang unit. Ngunit noong bisperas ng araw ng paglilipat aniya doon na umano nagsimulang magbigay ng iba't ibang dahilan ang unit owner. 

"Marami po siyang alibi na hindi pa po makakaalis, may damit po siya roon, may nasira po, may leakage ganyan," ani Dyan. 

Matapos pa noon, nalaman umano ng magkaibigan sa Facebook na may iba pa raw na nabiktima ang nagbebenta ng condo.

Kinalauna'y nakilala ang umano'y unit owner na si Xylene Senera, na napag-alamang ahente pala ng online home rental service na AirBNB at ang kaniyang kasamahan umano ang nakausap ng magkaibigan. 

Pero hindi naging kumbinsido rito si Mae. 

"Eh mukha mo ang nasa parehong profile photo eh," aniya sa pakikipag-usap kay Senera sa palabas. 

Giit ni Senera na "naipit" lang siya sa nangyari at ginamit lang umano ni Ellie ang kaniyang retrato sa pakikipag-usap kina Dyan at Mae sa social media. 

Ayon pa kay Senera, nagkaroon ng iba't ibang problema sa pagpaparenta niya ng condo at nalaman daw umano niya na hindi nagpapa-renta ang talagang may-ari ng unit. 

"'Yung mga owner ng unit na 'yun hindi nagpapa rent so of course need kong kunin 'yung (pera) sa owners. Naiipit kami dalawa kami," ani Senera. 

Ayon kay Senera, nagkipagkasunduan na siya sa dalawa at napag-usapan nang ipapa-refund na ang nabayarang P7,000 sa Lunes. 

Humingi rin ng pasensya si Senera kina Mae at Dyan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.