Magsasaka, suspek sa pananaga sa kapitbahay sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 10:07 PM

PINILI, Ilocos Norte – Pinagtataga ng isang magsasaka ang kaniyang kapitbahay sa Barangay Sacritan, Pinili, Ilocos Norte Huwebes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Manolo Querebin habang ang biktima naman ay si Oliver Serrano.

Nagtamo ito ng sugat sa mukha at ulo.

Nag-ugat ang insidente matapos umanong suntukin ng pamangkin ni Serrano ang anak ng suspek na si Mark Ian.

Kwento ni Mark Ian, nag-iinuman sila ng pamangkin ng suspek na nagngangalang Reggie Genova nang bigla siyang sinuntok nito dahil lamang sa usapan nila ukol sa relasyon ng kaniyang nakababatang kapatid na babae kay Genova.

Kasintahan ni Genova ang nakababatang kapatid ni Mark Ian.

"Sabi kasi ni Reggie sa akin na hindi niya daw kawalan ang aking kapatid at kahit maghiwalay sila. Hindi mo siya mahal kung ganun, sabi ko naman," paliwanag ni Mark Ian.

Nalaman naman agad ng ama at kapatid ni Mark Ian ang gulo kaya pinuntahan nila ang mga ito.

Kasama ng suspek ang kaniyang isa pang anak na sumaklolo sa insidente.

Paliwanag ng suspek, ipinagtanggol lamang niya ang kaniyang mga anak sa umano’y pambugbog ni Serrano at ng pamangkin nito na si Genova.

Lumalabas na umawat lang naman umano si Serrano.

Haharap ng reklamong frustrated murder at paglabag sa Omnibus Election Code ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.