Lalaki patay matapos holdapin, barilin sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 07:01 AM

NEGROS OCCIDENTAL - Patay ang isang lalaki matapos holdapin at pagbabarilin sa Talisay City, Negros Occidental Miyerkoles ng hapon.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan si Alex Casama Sr., 52, liaison officer ng isang kontraktor sa isang milling firm.

Tinangay ng mga salaring nakamotorsiklo ang nasa P100,000 na pang-cash advance sana ng mga trabahador.

Ayon sa Talisay City police, galing sa milling company sa Barangay Dos Hermanas ang biktima. 

Bandang alas-3 ng hapon, habang nasa Purok Balatong si Casama ay nilapitan siya ng gunman, pinagbabaril at kinuha ang dalang belt bag na may lamang pera.

Bago ang insidente, nakitang nakaabang sa malapit na coffee shop ang mga salarin.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. - Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.