#HalalanResults: Sepulturero nangunang councilor sa Taal

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 11:24 AM | Updated as of May 16 2019 11:49 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

TAAL, Batangas - Naluklok bilang top one councilor sa bayan na ito ang isang sepulturerong tumakbo bilang independent candidate. 

Sinalubong ng mga tagasuporta ang 61-anyos na si Arnel Garces ng Barangay Tiera Alta nang iproklama siya bilang nangunang councilor ng board of canvassers. 

Nasa 4 na dekadang nagtrabaho si Garces bilang sepulturero at madalas na hinihingan ng tulong ng mga namatayan ng mahal sa buhay. 

"Marami 'yang tinulungang tao sa amin dito. 'Yan lamang ang aming inaasahan dito," patungkol sa kanya ng katrabahong si Gilbert Agrade. 

Napagtapos ni Garces ang 3 anak dahil sa paghuhukay ng nitso. 

Kuwento ng kaniyang anak na si Marinel: "Nakita ko na 'yung kasipagan niya, katatagan ng loob at saka 'yung sinseridad na tumulong talaga sa ibang tao. 'Yung ibibigay na sa'yo ay ibibigay pa sa iba." 

Ikinagulat naman ni Garces ang kanyang panalo. Aniya, sinubukan niyang tumakbo dati sa barangay elections, pero hindi siya nanalo. 

"Ako ho'y nasorpresa na 'tong laban kong ito, itong 2019 election ako’y nag no.1 landslide pa," sabi ng councilor-elect. 

Bilang independent candidate, inikot ni Garces at kaniyang asawang si Marivic ang 62 barangay ng taal gamit lang ang motorsiklo. 

"Alas-6 pa po ng umaga, naalis na po kami. Nauwi po kami ng 9:30 ng gabi," ani Marivic. 

Plano umano ngayon ng councilor-elect na tutukan ang problema sa kahirapan sa kanilang bayan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.