#HalalanResults: Kapatid, mga pinsan ni Manny Pacquiao, wagi sa Sarangani

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 06:06 AM | Updated as of May 16 2019 06:59 AM

SARANGANI - Iprinoklama Huwebes ng hatinggabi ang mga nanalo sa iba't ibang posisyon sa Sarangani sa katatapos na halalan.

Muling nailagay sa puwesto ang kapatid ni Sen. Manny Pacquiao na si Sarangani Lone District Rep. Rogelio "Ruel" Pacquiao. 

Pumunta sa proklamasyon ang mga kamag-anak at kapatid ni Ruel. Naroon din ang kaniyang bayaw na si Jinkee Pacquiao na dating naging vice governor ng lalawigan. 

Panalo rin ang mga kapartido ni Ruel na sina incumbent governor Steve Solon at incumbent vice governor Elmer de Peralta.

Landslide victory rin ang mga kandidatong board member ng local party ni Manny na People’s Champ Movement. Kabilang dito ang kapatid ni Jinkee na si board member-elect Russel Jamora.

Bukod kay Ruel, may mga kamag-anak din silang pumasok sa politika at nanalo. Kabilang na rito ang mga pinsan nilang si Zyrex Pacquiao na nanalong alkalde ng bayan ng Maasim at Bonifacio Pacquiao na nanalong konsehal sa bayan ng Alabel.

Ayon kay Ruel, kagustuhan ng mga kamag-anak nilang tumakbo kaya sinuportahan nila.

Ilan sa mga tututukan ng kongresista ang pagpapataas sa antas ng serbisyo ng ospital sa lalawigan at ang pagtulak sa panukalang maging isang bayan na ang Barangay Malandag sa bayan ng Malungon.

Click here for ABS-CBN's election results.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.