7 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Zamboanga City

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 12:31 AM

ZAMBOANGA CITY - Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang pitong tao matapos aksidenteng mabangga ng isang motorsiklo ang isang tricycle sa highway ng Barangay Mercedes, Zamboanga City nitong Miyerkoles ng umaga.

Kabilang sa mga nasugatan ang isang 4 taong gulang na batang lalaki na sakay ng tricycle at ang 6 taong gulang na angkas sa motorsiklo.

Sa report ng Police Station 4, dahil matulin ang takbo noon ng motorsiklo ay aksidente nitong nabangga ang likuran ng tricycle.

Natumba at nawasak ang likurang bahagi ng tricycle kaya nasugatan ang apat na sakay nito .

Aksidente ring tinamaan ng motorsiklo ang isa pang motorsiklo na dumadaan sa highway sa mga oras na iyon.

Agad dinala sa ospital ang mga sugatan na ngayo'y nagpapagaling na.

Hindi na rin itinuloy ng mga biktima ang pagsampa ng kaso sa drayber ng motorsiklo at pumayag na lang na makipag-areglo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.