4 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 12:44 PM

ZAMBOANGA CITY - Apat ang sugatan sa tatlong magkakahiwalay na aksidente ng motorsiklo, Miyerkoles ng gabi.

Nagtamo ng sugat sa tuhod at kamay ang rider na si Jovelle Valencia, 24-anyos, matapos na bumangga sa kaniyang motorsiklo ang kasalubong na motor sa intersection ng Calle Governor Camins at Calle Vitaliano Agan.

Mabilis umano ang takbo ng kasalubong ng motorsiklo ni Valencia kaya ito sumalpok sa kaniya.

Parehong bumaligtad sa daan ang dalawang motorsiklo. Agad namang nakatayo ang nakabanggang rider at mabilis na tumakas habang iniwang sugatang si Valencia.

Bagamat may ilang mga nakakita sa salpukan, hindi naman nila nakuha ang plate number ng nakabanggang motorsiklo.

Hindi rin gumagana ang mga CCTV camera na inilagay ng lokal na pamahalaan sa partikular na daan.

Matapos ang ilang oras, sumalpok naman sa isang metal bleacher ang isang motorsiklo sa Barangay Pasonanca kung saan nasugatan ang driver nito at dalawang angkas.

Ayon sa isang security guard na nakakita sa aksidente, mabilis ang takbo ng motorsiklo hanggang sa mawalan ng kontrol ang driver nito pagdating sa kurbada.

Dumeretso ang motorsiklo sa gilid ng daan at bumangga sa isang metal bleacher. Tanging ang rider at isa nitong angkas na lamang ang naabutan ng pulis at emergency response team dahil ayon sa mga nakasaksi sa aksidente, umalis na ang isa pa nilang kasama.

Inaalam pa ng pulisya kung nakainom ang driver ng motorsiklo.

Sa Calle Apolinario Loop naman sa Barangay Guiwan, nasugatan din ang rider na si Giovanni Balansag, 32-anyos, nang bumaligtad ang kaniyang motorsiklo sa isang kinukummpuning daan.

Ayon sa ilang nakakita, hindi napansin ng motorista na may inaayos na daan sa lugar dahil walang inilagay na early warning traffic signs ang kontraktor nito.

Agad namang dinala sa pagamutan si Balansag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.