20 arestado sa magkahiwalay na 'drug den' sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 05:16 PM

Dalawampu ang naaresto ng mga pulis nang salakayin ang dalawang umano’y drug den sa Bacoor, Cavite nitong nagdaang linggo. 

Sa bisa ng sumbong mula sa isang concerned citizen, sinalakay ng mga pulis ang umano'y drug den sa labas ng isang bahay sa Barangay San Nicolas 3 noong Mayo 12 kung saan 18 lalaki ang naaresto sa paggamit ng droga. 

Ikinasa rin ng pulisya ang follow-up operation sa Barangay Molino 2 at naaresto rito ang mag-asawang sina Bruce at Josie Herrera, na itinuturong may-ari ng drug den sa Barangay San Nicolas 3. 

Ayon sa mag-asawang Herrera, nasadlak umano sila sa pagtutulak ng droga dala ng hirap ng buhay. 

"Pansamantala lang po habang wala pang trabaho," ani Bruce.
 
Aabot sa P100,000 halaga ng droga at mga paraphernalia ang nakuha sa mga suspek. 

Dayo lang umano ang ilan sa mga suspek, na pauwi raw ng probinsiya para bumoto sa halalan, ayon kay Bacoor City police chief Vicente Cabatingan. 

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.