Tricycle driver, binaril ng kaibigan dahil sa alitan sa parking

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 06:00 AM

MANILA - Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng kaniyang kaibigan dahil umano sa alitan sa parking sa Tondo, Maynila nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Al Clemente na nagtamo ng tama ng bala sa tiyan at balikat.

Batay sa imbestigasyon, kukunin na sana ng biktima ang kaniyang tricycle na ipinarada sa sidewalk ng Nepomuceno St.

Nagalit umano sa kaniya ang kaibigang si Romeo Celeste na may manukan malapit sa pinaradahan.

"Pinaputukan niya tapos naubos ang bala pinagpapalo pa sa ulo," ayon sa isang testigo.

Naisugod pa sa ospital si Clemente pero binawian din ng buhay.

Agad namang tumakas ang suspek sakay ng kaniyang motorsiklo.

Patuloy na tinutugis si Celeste na mahaharap sa kasong murder. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.