PNP: Higit 3 katao, sangkot sa pagpatay kay dating Cong. Eriguel

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 03:38 PM

Former La Union congressman Eufranio Eriguel. File

LA UNION – Higit tatlong katao ang sangkot sa pamamaril kay dating congressman Eufranio Eriguel, yon sa pulisya.

Base ito sa nakuhang mga salaysay mula sa mga saksi, ebidensiya sa crime scene at CCTV footage ng barangay.

Matatandaang si Eriguel ay pinagbabaril sa gitna ng miting de avance ng mga kandidato sa Barangay Capas, bayan ng Agoo.

"Dito din natin nalaman na hindi lang kagagawan ng mangilan-ngilan kundi talagang marami sila, when I say marami, more than two, more than 3. Kasi based on the firearms na ginamit, based on the fire cartridge case na na-recover ng ating Regional Crime Laboratory, lumalabas na a minimum of 9 firearms ang ginamit," ayon kay Regional Public Information Officer ng Police Regional Office 1 na si Supt. Marlon Paiste.

Nasa kustodiya na ng mga pulis ang isa sa mga suspek na si Felizardo "Rambo" Villanueva na nasampahan na ng tatlong kaso ng murder. 

Si Villanueva ay tumakbo bilang barangay chairman sa Capas, pero natalo. Itinuturing siyang isa sa mga kalaban sa pulitika ni Eriguel.

Ayon sa mga pulis, kusang isinuko ni Villanueva ang kaniyang cellphone na naglalaman ng palitan ng mga text message sa iba pang sangkot sa krimen.
 
Base sa imbestigayon ng mga pulis, lumalabas na gumamit ang gunmen ng anim na M-16 rifle, isang 9mm na baril, isang .45 caliber, at isang 7.62mm o M-14.

Mahigpit pa rin ang seguridad sa pamilya ni Eriguel. Tanging mga kaibigan at kaanak lamang nila ang nakalalapit sa kanila. 

Samantala, gabi-gabi pa rin bukas ang kanilang covered court sa Agoo, La Union para sa mga nais makiramay. Wala pang itinakdang araw para sa libing ng dating mambabatas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.