NBI, may paalala sa online shoppers na nagbabayad sa remittance centers

ABS-CBN News

Posted at May 16 2018 03:36 PM | Updated as of May 16 2018 04:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Regalo para sa kaarawan ng kaniyang kaibigan ang nag-udyok sa 17 anyos na si Steph Ang para bumili ng camera sa online seller na si "Fatima Bautista" mahigit isang buwan na ang nakalilipas.

Pero dumaan ang 5 linggo matapos niyang magbigay ng P2,700 ay hindi pa rin natatanggap ni Ang ang kaniyang in-order na gadget.

Dumulog sa programang "Lingkod Kapamilya" ng DZMM si Ang upang ireklamo at matugis kung sino man ang nasa likod ng Facebook account ng naturang "Fatima."

"Nu'ng April 7 kasi nakita ko si Fatima mula sa Facebook group ng mga buy and sell na nagbebenta siya ng Instax so nag-PM (private message) ako sa kaniya how much," kuwento ni Ang.

Taga-Ilagan City, Isabela daw si Fatima kaya pumayag si Ang na ipa-ship na lang ang produkto dahil tila imposible ang meet up.

"After a few days sabi niya sa akin nu'ng April 10 ready to ship na daw 'yung item so nagmadali akong magbayad sa [remittance center]." 

Hindi naman nagduda ang biktima kahit pangalan at detalye umano ng "boyfriend" ni Fatima ang ibinigay nitong paghuhulugan ng pera.

"Tapos 'yung binigay niyang detail, sa boyfriend daw niya which is 'yung pangalan Angelo Mabad," ayon kay Ang.

Matapos ang tatlong araw, tinanong ni Ang kung ano na ang status ng shipping ng kaniyang order, ngunit hindi na siya sinasagot ni Fatima. Maging sa Facebook group ay hindi na rin umano niya ito mai-tag. 

Doon na napagtanto ni Ang na naging biktima siya ng isang online scammer. 

"Usually kasi sa mga Facebook groups, legit seller ang mga nando'n, so ayun akala ko. Wala rin akong narinig na masama about [Fatima]."

Ayon kay Agent Victor Lorenzo ng National Bureau of Investigation Digital Forensic Laboratory (NBI-DFL), maraming paraan upang matugis ang salarin.

"Puwede mo namang itanong kung saan iyan na-claim para ma-confirm natin na online scam 'yan. Kasi definitely nag-provide 'yan ng ID. Du'n natin maa-identify kung ano ang pangalan niya at ano'ng grupo niya," paliwanag ni Lorenzo. 

Ang mga scammer daw kasi ay hindi lumalabas sa kanilang "comfort area" o kuta na kadalasang malapit sa money remitters.

"Ibig sabihin kung saan siya nag-claim, doon siya pinakamalapit kasi du'n siya pinakakomportable. Tapos titingnan natin kung ano ang grupong nag-o-operate sa area," sabi ni Lorenzo. 

Paalala ni Lorenzo, huwag basta magtiwala at um-oo kaagad sa pagpapadala ng pera dahil palaging nagsisinungaling ang scammer sa kaniyang totoong lokasyon. 

Tingnan din kung kagagawa lamang ng account sa Facebook.

Kung may pagpipilian, mas mainam na meet up na lamang para kaliwaan ang bayad at pagbibigay ng produkto kaysa sa paghuhulog sa mga remittance centers.

"Usually kasi ang minimum security requirement lang sa remittance centers ay ID. Ang problema hindi naman nila ma-verify kung totoong ID ang pinipresinta sa kanila. Iba-iba ang security protocols na sinusunod nila. 'Yung iba lax," giit ni Lorenzo.

Pero kung makikipagkita sa isang seller, seguruhin munang ito'y nasa secured at mataong lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.