Tulong, trabaho mula sa foreign trips ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 06:56 PM | Updated as of May 17 2017 05:48 AM

Ibinahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pag-uwi sa Davao ang mga nakuha mula sa pagbisita niya sa Cambodia, China, at Hong Kong, kabilang na ang mga trabaho para sa mga Pilipino, at tulong para mapaunlad ang imprastraktura ng Pilipinas.

Sa muling pakikipag-usap kay Chinese President Xi Jinping, sinabi ni Duterte na nangako ito na tutuparin ang ayuda at bibilisan ang paggawa ng mga infrastructure projects.

Sa pagbisita naman sa Cambodia, inilahad ng pangulo sa mga dayuhang negosyante ang ‘Dutertenomics’ na programa sa pagpapa-unlad ng imprastraktura sa Pilipinas.

Trabaho para sa mga Pilipino sa China

Bukod sa tulong sa imprastraktura, may magandang balita rin si Duterte para sa mga nais magtrabaho sa China. Naghahanap aniya ang China ng mga guro partikular na ang nagtuturo ng Ingles, craftsmen, inhinyero, at iba pa.

“They are now opening doors for our teachers, workers, craftsmen, engineers. - they are welcoming almost English teachers, kailangan nila ng marami,” ani Duterte.

Pagbili ng armas mula China?

Pinag-aaralan na rin ng pamahalaan ang pagbili ng armas mula sa China at nakatakda itong lumagda ng letter of intent sa Poly Technologies Inc., kilalang manufacturer at exporter ng armas sa China. Magpapadala rin ang Pilipinas ng technical working group para pag-aralan ang nasabing pagbili ng armas. 

-- Ulat nina Hernel Tocmo at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.