Religious summit for peace and security, gaganapin sa Cotabato City

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 12:10 AM

Ang kauna-unahang Religious Summit for Peace and Security ay gaganapin sa Cotabato City, Miyerkules hanggang Biyernes ngayong linggo.

Aabot sa 500 religious leaders ang inaasahang dadalo sa summit.

Magmumula pa umano sa 55 bayan sa buong sakop na lugar ng Joint Task Force Central Mindanao ang nasabing mga religious leaders.

"Pinaka-bottomline is to prevent terrorist action sa community kasi yung mga religious leaders magkakaroon ng workshop. Last year pa natin ito naplano,” ani Capt. Arvin Encinas ng Joint Task Force Central.

Tatlong araw itinakda ang summit at bukas ito sisimulan sa Mall of Alnor.

Sa Huwebes naman ay gagawin ang workshop sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, at sa Grand Mosque sa Biyernes.

"After the traning yung mabubuo doon ay ipapasa sa higher-ups ng religious leaders dahil sila yung nakakaalam sa approach. Alam naman natin na malakas yung influence nila sa baba,” ani Encinas.

Bago ang kauna-unahang Religious Summit for Peace and Security ay unang isinagawa sa Cotabato City noong nakaraang linggo ang Ulama Summit na dinaluhan rin ng religious leaders sa loob at labas ng Central Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.