Preso na binugbog ng kapwa bilanggo, patay

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 05:38 PM

Hustisya ang sigaw ng pamilya ng isang bilanggo na napatay sa loob ng kulungan sa Lanao del Norte.

Pumunta sa opisina ng Regional Crime Laboratory sa Cagayan de Oro ang pamilyang Maghanoy mula sa Maranding sa bayan ng Lala para kunin ang resulta ng autopsy sa kanilang 52-anyos na tatay na si Jimmy Maghanoy Sr.

Namatay si Maghanoy Sr., noong Abril 18 sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology District Jail sa Bayan ng Tubod.

Abril 6 nang makulong sa Lanipao Police Station si Maghanoy Sr. sa kasong act of lasciviousness. Dahil hindi napiyansahan ng pamilya, ikinulong siya sa District Jail sa Tubod noong Abril 18 ng hapon.
 
Pero lumipas lang ang limang oras, nakatanggap ng tawag ang pamilya na dinala sa Provincial Hospital si Maghanoy Sr. at patay na.

Sabi ng anak ng biktima, sinabihan daw sila ng taga BJMP na inatake ng high blood ang ama kaya ito namatay.

Pero hindi sila naniniwala dito dahil nakita nila ang mga pasa sa katawan ng ama.

Nakumpirma din sa autopsy na mayroong basag sa bungo at pasa sa dibdib at tiyan ni Maghanoy Sr.

“Pwede po inumpog ang ulo niya or pinalo po ng blunt na object sa ulo. Sa examination po natin wala po external signs. Ibig sabihin wala pong bukol or pasa,” pahayag ni Dr. Christian Caballes, hepe ng Medico-Legal ng SOCO-10. 

Nakita din sa autopsy na napuno ng tubig ang baga ng biktima.

“Indication po na nilunod pa po siya,” dagdag pa ni Caballes.

Inamin ni Provincial District Jail Warden, Senior Inspector Arnel Nacasabog na binugbog si Maghanoy Sr. sa loob ng selda ng anim na kasamahang bilanggo.

Pero sabi ni Nacasabog, hindi nila nalaman kaagad ang sinapit ni Maghanoy Sr.

Sinabihan lamang ng mga preso ang mga jail guard na inatake ng altapresyon si Maghanoy Sr.

Nang sinugot siya sa hospital, napag-alaman na dawalang oras na pala itong patay.

Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng biktima.

Magsasampa sila ng kaso laban sa taga BJMP District Jail para papanagutin ang pagkamatay ng kanilang ama. 

Samantala, gagawa din ng sariling imbestigasyon ang BJMP sa pangyayari at sasampahan ng kaso ang mga bilanggo na gumawa nito kay Maghanoy Sr.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.