Ombudsman, di payag maging state witness si Napoles

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 06:58 PM

Haharangin ng Ombudsman ang plano ng Department of Justice na gawing state witness si Janet Lim-Napoles sa napipintong pagbubukas nila ng imbestigasyon sa pork barrel scam cases.

Hindi papayagan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na makalusot bilang state witness si Napoles, isa sa mga pangunahing akusado sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.

Taong 2014 nang sampahan ng kaso ni Morales sa Sandiganbayan ang mga mambabatas na sina dating Senador Juan Ponce-Enrile, Bong Revilla, at Jinggoy Estrada kaugnay sa pork barrel scam. 

Sinubukan na rin ni Napoles na mag-apply ng immunity bago pa humantong sa Sandiganbayan ang mga kaso pero hindi ito tinanggap ng Ombudsman.

Matigas ang pagtanggi ni Ombudsman Morales pero aminado siya na hindi rin niya mapipigilan ang mga galaw ng DOJ.

''I dont know what the DOJ wants to reinvestigate, whether they want to reinvestigate the case filed in court or reinvestigate cases already investigated by us. It's up to them if they wish to reinvestigate,'' ani Morales.

Nais ng DOJ na mag-imbestiga muli dahil sa posibilidad na may iba pang pangalang 'ikakanta' si Napoles.

Para naman kay Morales, ''I'm not bothered at all. We are confident of our position. Whatever they say, let them say it''.

Acquitted na si Napoles sa kasong serious illegal detention pero mananatili pa rin siyang nakakulong dahil sa patong-patong na pork barrel scam cases sa Sandiganbayan kasama ang mga dating mambabatas.

Nailipat si Napoles sa Camp Bagong Diwa mula sa Correctional Institution for Women mag-a-alas-5 na ng umaga.

Tsinek-up muna siya ng doktor sa CIW at saka ibiniyahe patungong Camp Bagong Diwa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.