OFW pa-Middle East, nais limitahan

ABS-CBN News

Posted at May 16 2017 07:29 PM | Updated as of May 17 2017 05:51 AM

Planong limitahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East dahil bukod sa mga insidente ng pagmamaltrato, nagkukulang na rin umano ang mga manggagawa sa bansa.

Sa datos ng DOLE-Bureau of Local Employment, 170,000 na construction worker ang kailangan taun-taon dito sa Pilipinas pero 80,000 lang ang napupunan dahil marami ang nag-a-abroad.

Dahil umano ito sa sunod-sunod na proyekto ng pamahalaan sa infrastructure. 

Para naman sa mga direct hire, tinanggal na ng DOLE ngayong araw ang suspension sa pagproseso ng overseas employment certificate (OEC). 

Binuksan na ulit ang pagproseso ng OEC dahil naimbestigahan na umano ang mga kawani ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na gumagawa ng katiwalian. Subalit iilang OFW lang ang makakuha nito sapagkat may ban pa rin sa direct hire scheme. 

Kabilang sa mga maaaring kumuha ang mga may employer na diplomat o opisyal ng gobyerno. Makakukuha rin ng exemption kung kamag-anak ang employer at kung professional at high-skilled ang manggagawa.

Paalala ng POEA sa mga nagpoproseso ng OEC, huwag makipag-usap sa hindi taga-POEA.

Processing fee lang din ang dapat bayaran na kadalasang nasa $100 o P5,000.

Higit sa lahat, sa cashier's office ng POEA dapat ibigay ang bayad.

Sa tala ng POEA, umabot sa 2,112,331 ang kabuuang bilang ng mga umalis ng Pilipinas noong 2016 para magtrabaho sa ibang bansa. Kalahati nito ang napunta sa Middle East.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.